Ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Karamihan sa mga bagong layang mga bilanggo ay lubos na tinatamasa ang sarap ng buhay sa labas ng rehas na bakal kasama ang mga mahal nila sa buhay at maging produktibo muli bilang mga mabubuting mamamayan.
At kung alam lang sana ng bilanggong ito na sa kanyang paglaya ay si kamatayan pala ang sasalubong sa kanya, ay baka mas minabuti nitong mananatili na lamang sa loob ng kulungan.
Siya itong isang bagong layang bilanggo, na isa ring miyembro ng kinatatakutang Commando Gang, na nagngangalang Raymart Ferrer (25) na walang kaabog-abog na pinagbabaril sa Barangay 20, Tondo, Maynila nitong Linggo (Abril 23,2023), dakong 2:30 ng madaling araw.
Ayon sa inisyal na report ni P/SSgt. Vandiel Nikko Banzon ng Manila Police District Station12, maaaring droga ang nakikita nilang anggulo sa pagpaslang sa biktima.
Maaaring hindi nag-intrega umano ng perang pingbilhan sa droga ang naging motibo sa pagkasawi ng biktima.
Ayon sa mga saksi, bago ang pamamaril ay narinig nilang may kausap sa telepono ang biktima at ito ay makikipagkita diumano sa suspect ngunit sa gitna ng kanilang usapan ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo na maaring nauwi sa pamamaril.
Tinutugis na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan sa suspect at patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari ng insidente ng pamamaril.
(Amado Inigo/MTVN)