Bilang ng may kanser sa bansa dumarami, Sen. JV nanawagan ng kongkretong solusyon sa kapwa mambabatas

Bilang ng may kanser sa bansa dumarami, Sen. JV nanawagan ng kongkretong solusyon sa kapwa mambabatas

Ni Benjamin Cuaresma

MANILA — Sa “Kapihan sa Manila Bay” Adriatico Malate, Maynila ay nanawagan si Senator JV Ejercito sa kanyang mga kasamahan sa Senado na mabigyan ng kongkretong solusyon ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may cancer lalong-lalo na
sa mga pasyenteng nasa mababang kategorya ng lipunan.

Ayon kay Philippine Society of Medical Oncology President Dr. Rosario Pitarque, sa isang araw ay apat (4) katao ang namamatay sa cancer at ang pinakamarami rito ay yaong may lung cancer na nasa 96 katao ang namamatay kada buwan.

“Hindi po ganoon kadali ang pagpapagamot sa mga pasyenteng may karamdaman na cancer dahil kapos ang pera ng gobyerno na nakalaan para sa mga pasyenteng ito,” wika ng senador.

Sinabi ng senador na hindi biro ang magagastos ng ordinaryong mamamayan sa pagpapagamot sa kanilang pamilya na may sakit na cancer at sinabi pa nito na siya mismo ay nakaranas kung gaano kabigat ang binabayaran niya sa isang sesyon ay umaabot ng P70 hanggang P100 libong piso nang ang kanyang asawa ay magkaroon ng sakit na ito noong 2016.

Naniniwala si Ejercito na bilang author ng kanyang isinusulong na National Integrated Cancer Control Act Law (NICCA) ay pakikinggan ito ng gobyerno oras na siya ay makabalik sa Senado at mabigyan ng tamang pondo upang kahit paano ay madagdagan ang kasalukuyang 30 porsiyentong ambag ng pamahalaan sa mga pasyenteng may sakit na cancer.

Muling magbubukas ang Senado sa May 8.

Sinabi pa ng senador na ang assistance ng Philhealth, funds ng Congress, local government units ay nasa 30 porsiyento lamang at hindi ito sapat upang matustusan ang isang pasyenteng may sakit na cancer.

Katunayan, aniya, ang 60 hanggang 70 porsiyento ay mangagaling pa rin sa bulsa ng mga pamilya ng mga pasyente na ayon pa sa senador ay napakabigat.

Ayon naman kay Dr. Priscila B. Caguioa ng Philippine Society of Medical Oncology, ang sakit na cancer ay maaaring maiwasan kung taun-taon ay regular ang check-up.

Nagpapasalamat naman ang isang engineer na isa ring cancer survivor kay Senator JV Ejercito sa walang kapagurang pagsusulong ng National Integrated Cancer Control Act Law (NICCA) na siya rin ang principal author. (Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply