Isang convenience store sa Bacoor City nilooban

Isang convenience store sa Bacoor City nilooban

Ni Benjamin Cuaresma

BACOOR City, Cavite — Hindi na nakapalag pa ang dalawang panggabing crew ng kilalang convenience store na AlfaMart nang ito ay pasukin ng mga hindi pa nakikilalang mga holdaper nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ayon sa salaysay ng naka-duty na dalawang crew na sina Mary Rose Lotoc at John Abarintos kay PSSgt Kelvin Kenneth Casaman ng Bacoor City Police, dakong alas-2:40 ng madaling araw ng Miyerkules (Abril 26,2023) nang mangyari ang insidente.

Buong akala diumano ng dalawang crew ay mga ordinaryog customer lamang ang dalawang lalaking pumasok sa mga oras na yaon.

Ngunit ang inakala nilang mga customer ay biglang nagdeklara ng hold-up, sabay bunot ng hindi pa malamang kalibre ng baril at sapilitang binuksan ang kaha ng tindahan at kinuha ang benta pati na mga cellphones ng mga nabiglang crew sabay takas.

Kasalukuyang inaalam pa ng pulisya ang halaga ng perang nakuha sa convenience store na matatagpuan sa Main Road Camias Street, Camella Springville, Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite.

Nagsagawa na rin ng operation ang mga kapulisan ng Bacoor City upang tugisin ang mga salarin sa ginawang panloloob sa naturang convenience store.

(Amado Inigo/MTVN)

Leave a Reply