Ni Liezelle Soriano
MANILA — Pananagutin ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga indibidwal na nagpakalat ng video ng pagkamatay ng aktor na si Ronaldo Valdez.
Ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, sinabi ni QCPD Police BGen. Rederico Maranan na natukoy na nila ang ilang sibilyan na sangkot sa pagkalat ng video.
“May na-identify na po sila na mga sibilyan na nag-upload nito sa social media at papanagutin po natin sila dahil obviously ito ay violation ng privacy ng pamilya,” ani Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
“May kakahinatnan po ang imbestigasyon natin, at kakasuhan natin at paparusahan kung sino man po ang may kasalanan dito,” aniya.
“Hindi po natatapos sa public apology ang ginagawa ng QCPD,” dagdag pa niya.
Mahaharap sa kasong administratibo ang limang pulis na sangkot sa imbestigasyon, kabilang ang neglect of duty, grave misconduct, at paglabag sa cybercrime law, naunang sinabi ng QCPD.
(el Amigo/MNM)