By Nice Celario

MAKARAAN ang ilang araw na pagkakaospital, nasawi ang isang 14-anyos na Grade 5 student matapos na sampalin umano ng kanyang guro sa Penafrancia Elementary School sa Antipolo City.

Kinilala ang biktima na si Francis Jay M. Gumikib, residente ng Pagray Hills, Barangay Mayamot.

Ayon sa ina ng biktima na si Aling Elena, umuwi ang kanyang anak mula sa paaralan noong September 21 at umiiyak na isinumbong ang ginawang pananampal umano sa kanya ng kanyang guro.

Dumadaing umano ang bata na parang nabibingi siya at masakit ang ulo hanggang sumuka kaya isinugod sa Amang Rodriguez Hospital.

Makaraan ang ilang araw ay namatay ang biktima at sinasabing may nagdugo sa utak.

Iniimbestigahan na ng Antipolo PNP ang insidente at hihingin ang panig ng paaralan.