Photo courtesy of Ideas for Peace
Isang mainit na debate ngayon ng buong sambayanan ang usapin tungkol sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC) na nilisan ng bansa ang akreditasyon nito noong nakalipas na administrasyong Duterte matapos itong umangan ng kasong “crimes against humanity” dahil sa kanyang madugong “WAR ON DRUG” program na kumitil sa buhay ng 12,000 katao, ayon sa Human Rights Watch Group.
May mga nagsasabi ring lagpas diyan ang bilang ng mga napatay partikular na sa 30,000 mula nang ilunsad ang drug war na mas kilala sa tawag na “tokhang” at “tokhang reloaded.”
Sa kasalukuyan, umabot na sa tatlo ang bilang ng mga kongresista na naghain ng petisyon sa House of Representatives upang hikayatin sina Speaker Martin Romualdez at Presidente Bongbong Marcos na ibalik ang katayuan ng Pilipinas sa Rome Statute o ICC.
Kasunod nito ay naglabas ng saloobin si Sen. Bato dela Rosa, na siyang PNP chief noon ni Duterte, na kakailanganin muna ng approval ng Senado bago muling makapasok ang ICC upang mag-imbestiga sa bansa ngunit agad naman itong binalasa nina Senate President Migz Zubiri, dating SP Franklin Drilon at Solicitor General Menardo Guevarra.
Anila, hindi na kailangan pa ng pahintulot ng Senado ang usaping ito kundi nakasalalay lamang ito sa desisyon ni Pangulong Marcos kung papayagang makapasok o hindi ang ICC at mag-imbestiga sa madugong war on drugs ni FPRRD mula 2016-2022.
Sinikap din kunin ng Maharlika NuMedia ang pulso ng taumbayan na siya naming inilalahad ngayon upang kayo na ang humusga kung dapat na bang papasukin ang ICC sa bansa o hindi at matuldukan na ang usaping ito.
(Benjamin Cuaresma/AINIGO/MNM)