KINONDENA ngayon ng maraming matitinong miyembro ng Pambansang Pulisya ang isang retiradong heneral, na dati nilang kasama, na umano’y nasa likod ng talamak ngayong ilegal na online sabong.

“Ang nakakadismaya ay sobrang kapal ng mukha nitong aming ine-idolo noon kasi nagpapalitrato siya sa kasalukuyang PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at ipinamamalitang may basbas ng Camp Crame ang kanyang E-Sabong operations,” ngitngit na pahayag ng isang kernel sa anti-crime unit ng nasabing kampo.

Kinilala ng nagbunyag na kernel ang nasabing nasa likod ng talamak na illegal online cockfights na si Alyas Heneral Abusado, dahil sobra umano nitong inabuso ang pagiging pagkaibigan nila ni Gen. Acorda.

Ang operations base ng E-Sabong ng grupo ng heneral na abusado ay nasa lungsod ng Antipolo at puntirya ng kanyang pamimili ng mga pipitsuging mga manok ay ang buong Luzon hanggang Kabisayaan.

Sa loob at labas naman ng bansa ang kanyang ilegal na pagpapataya na unano’y maging mga menor de edad ay nalululong na sa nasabing ilegal na online sabong.

Kasama ng abusadong heneral ang ilang tiwaling kagawad ng lokal na kapulisan na siya naman umanong nagbibiigay ng proteksiyon sa operasyon ng ilegal na E-Sabong.

“Ginagamit ding pananakot ng abusadong heneral ang ‘selfie picture’ nila ng PNP chief sa mga nakabababang ranggong pulis na ayaw mag-cooperate sa kanyang raket,” dagdag na sabi ng nagsumbong na kernel.

“Ipinanawagan na namin dito sa Camp Crame sa kay Sec. Abalos at Pangulong Bongbong Marcos na dapat nang tuldukan ang ilegal na online sabong nitong abusadong heneral para maniwala kaming mga uniformed men na seryoso at determinado ang pamunuan ng gobyerno sa pagpapatupad ng ating mga batas,” pagtatapos na pahayag ni kernel.