Ni Liza Soriano
MANILA — Aprubado na sa Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang P5.768 trillion national budget para sa susunod na taon.
Sa botong 21 na pabor, 0 negative vote at 1 abstain ay naaprubahan ang General Appropriations Bill o GAB sa loob ng isang araw dahil sinertipikahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent.
Nag-abstain si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagboto dahil sa pagtutol nito na sertipikahan ang GAB bilang urgent.
Bago ang pag-apruba ay inisa-isa ni Committee on Finance chairman Senator Sonny Angara ang major amendments sa bersyon ng Kamara subalit hindi tinukoy ang halaga na sangkot dito.
Tanging inihayag lang ni Angara ang mahigit sa P1 bilyong augmentation sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) at P50 milyong pagtaas sa budget ng Learner Support Program ng Department of Education (Deped).
Wala namang binanggit ang senador tungkol sa kontrobersiyal na confidential and intelligence fund (CIF).
Matapos ang pag-apruba ng GAB, ay pag-uusapan ito sa bicameral conference kung saan ang mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ay pagkakasunduin ang hindi mapagkasunduang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa sandaling magkasundo, ang pinal na bersyon ng GAB ay raratipikahan ng Kamara at Senado saka ito ipadadala sa Malakanyang para rebyuhin ng Presidente at saka aaprubahan.
Ang P5.768 trilyon panukalang 2024 budget ay mas mataas ng 9.5% sa 2023 appropriations, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
(ai/mnm)
Ni Liza Soriano
MANILA — Nakatakdang magdaos ng Special Session ang Senado at Kamara sa Nobyembre 4 para kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Si Kishida ay nasa bansa simula Nobyembre 3 sa hangaring palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“We look forward to the address of a leader of a nation that is a robust trading partner, a strong security ally, a lending hand during calamities, and an investor in Philippine progress,“ ani Zubiri.
Paliwanag ni Zubiri, magkahiwalay munang magpupulong ang Senado at Kamara sa alas-9 ng umaga sa Nobyembre 4 para magpasa ng mga resolusyon sa pag-imbita kay Kishida sa Kongreso at sa pagsasagawa ng joint session.
Sinabi ni Zubiri na nakatakdang humarap si Kishida sa Kongreso alas-11 ng umaga ng Sabado (November 4, 2023) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
(ai/mnm)
NANANATILING malakas at nangunguna pa rin si Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa survey sa pagka-senador sa darating na nahalalan sa Mayo 2025.
Sa pinakahuling survey ng Octa Research na isinagawa nitong Setyembre 30-Oktubre 4 sa 1,200 respondents lumabas na anim sa 10 o 60 porsyentong Pinoy ang boboto kay Tulfo bilang Senador.
Malayong nasa pangalawa pwesto lamang si incumbent Sen. Bong Go na may 49 porsyento, habang ang magbabalik Senador naman na si Tito Sotto ay nasa ikatlong pwesto na may 42 porsyento.
Pasok din sa Magic 12 sina Sens. Imee Marcos at Ronald dela Rosa na kapwa may 39%; Sen Pia Cayetano 36%; dating Manila Mayor Isko Moreno 35%; Dating Sen. Ping Lacson at Sen. Bong Revilla, kapwa 32%; Sen. Francis Tolentino, 28%; at Sen. Lito Lapid at dating Sen. Manny Pacquiao na kapwa 26%.
Si Tulfo na dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ngayon ay kinatawan ng ACT-CIS partylist, ang siya ring namayagpag at malayong nanguna sa nakaraang survey ng Octa nitong 2nd quarter ng 2023.
Si Tulfo rin ang nanguna sa mga survey na isinagawa ng iba pang survey firms tulad ng Ocolum noong Hulyo 2023.