By Dang Samson Garcia
HINIKAYAT ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang Commission on Higher Education na ipawalang-saysay ang partnership sa pagitan ng Pilipinas at ng ilang Chinese universities.
Partikular na hinimok ni Rodriguez si CHED Chairman Prospero de Vera III na pangunahan mismo ang pagkansela sa partnership habang pinoprotesta ng Pilipinas ang Chinese aggression sa West Philippine Sea.
Iginiit ng kongresista na habang patuloy ang engagement ng CHED sa China ay nagpapakita ito ng ‘wrong signal’ dahil lumilitaw na hindi nagkakaisa ang mga Pinoy.
Inaalmahan naman ng gobyerno ang harassment at bullying ng Chinese Coast Guard sa mga sunadalong Pinoy, Philippine Coast Guard at mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Pinayuhan pa ni Rodriguez si De Vera na sundan ang ginagawang hakbang ng AFP na ipinatigil ang pagpapadala ng sundalo sa China para mag-aral, magsanay o magsagawa ng social visit, at pagtanggi na magkaroon ng joint patrol sa Philippine Maritime Territory.
Sa halip na makipagkasundo sa Chinese higher education institutions, binigyang-diin ni Rodriguez na dapat sa mga kaalyadong bansa na lamang makipag-partner ang CHED gaya ng Estados Unidos, Japan, South Korea, Australia at iba pa.