Mayor Hain Umani Ng Batikos

MANILA — Inuulan ngayon ng batikos at puna mula sa iba’t ibang kampo si Mayor Dennis Felipe Hain ng Cabuyao City, Laguna dahil sa kabiguang makatanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng siyudad para sa taong ito.

Ang SGLG award ay ibinibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng pamahalaang lokal sa buong bansa na nagpapamalas ng mahusay, matino at masinop na pamamahala.

Sa anim na lungsod ng Laguna ay tanging ang Cabuyao ang hindi binigyan ng gradong pasado sa SGLG.

Ang limang siyudad sa Laguna na nakakuha ng pasadong marka at binigyan ng SGLG ay ang Biñan, Calamba, San Pedro, San Pablo at Santa Rosa.

Ibinibigay ng DILG ang SGLG matapos ang masusing pagsusuri at naipasa ng pamahalaang lokal ang pitong sangay ng pamamahala: financial administration; disaster preparedness; social protection; peace and order; business friendliness and competitiveness; environmental protection; at tourism culture and the arts.

Para sa taong 2024 ay 714 LGUs na kinabibilangan ng mga lungsod, munisipyo at lalawigan ang nakakuha ng pagkilala sa DILG at SGLG, dahil sa mahusay na pamamahala.

Kasama naman ang mismong lalawigan ng Laguna na pinamumunuan ni Gobernador Ramil Hernandez sa mga SGLG awardees na kinilala dahil sa kanilang kahusayan at dedikasyon sa pagsisilbi sa bayan.

“Hats off to the 714 awardees of the 2024 Seal of Good Local Governance!” sabi ng SGLG sa Facebook post nito.

“Your commitment to excellence in public service and dedication to the principles of good governance have set a remarkable standard for local leadership. Your unwavering dedication to serving the people is an inspiration to us all,” dagdag pa ng SGLG.

Kaugnay ng kaganapang ito ay nagpadala ng liham si Gob. Hernandez kay Mayor Hain kaugnay ng paglabag umano nito sa mga umiiral na batas at patakaran kaugnay ng local expenditure program.

Ang kanyang liham ay bilang tugon sa reklamo ni Sangguniang Panlungsod Secretary Atty. Venus C. Velasco, na nagsabing noong October 25, 2024, matapos ang pag-sponsor at mosyon ni City Councilor Jaime Onofre Batallones, ay inaprubahan ng city council ang Ordinance of the Local Expenditure Program (LEP) for FY 2025 sa halagang P3,302,726,464.00 para sa una, ikalawa at ikatlong pagbasa.

Nangyari umano ang pag-apruba ng walang ibinibigay na kopya ang mga konsehal at si Mayor Hain sa tangggapan nina Atty. Velasco at Vice Mayor Leif Laiglon Opina, na dapat ay tumatayong presiding officer ng konseho.

Sa kanyang liham, pinaalalahanan ni Gob. Hernandez si Hain na lahat ng mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod ng Cabuyao ay kinakailangang sumunod sa mga probisyong nakasaad sa Local Government Code of 1991, kaugnay ng preparasyon at may pag-aapruba ng 2025 annual budget.

Maging si Vice Governor Karen Agapay ay nagpadala rin ng liham kay Hain kung saan ay tinukoy niya ang mga paglabag nito sa batas kaugnay ng nasabing usapin.

CABUYAO CITY BIGONG MAKAPASOK SA SGLG AWARDEES