Photo courtesy of Bloomberg.com

Ni Liezelle Soriano

MANILA — Hinikayat ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Martes (05 Dec 2023) ang publiko na magsuot ng face mask  sa  gitna ng tumataas na kaso ng respiratory illness.

Ayon kay Herbosa, ang mga may sintomas ng flu ay dapat magsuot ng face mask.

“As of now, wala pang (‘walking pneumonia’) outbreak sa Pilipinas. Although, nakita ninyo, dumadami ang respiratory illness. COVID, ang ating Presidente meron. Tapos, karamihan diyan  merong ubo, sipon. ‘Yung iba hindi naman nagpapa-test, so hindi natin masabi kung COVID din ‘yun,” ani Herbosa.

“Kung kayo ay elderly, or meron kayong comorbidity at pupunta kayo sa mataong lugar, it’s better to bring your mask. Ganoon din kung kayo ay may ubo, sipon, practice your cough etiquette. Kung puwedeng huwag ka nang pumunta sa opisina or sa eskwela, mag-bahay na lang until mag-recover kayo para wala nang mahawang iba pang cases,” dagdag pa niya.

Tiniyak ni Herbosa sa publiko na binabantayan ng DOH Epidemiology Bureau ang bilang ng mga respiratory cases sa bansa.

Nitong Martes, inanunsiyo ng Presidential Communications (PCO) na nagpositibo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa COVID-19.

(ai/mnm)