Si Congw. Ruth Hernandez
MANILA — Nagbunga na ang pagsisikap at adbokasiya ni Laguna Second District Representative Ruth Hernandez na magkaroon ng sariling regional hospital sa lalawigan na kanyang isinulong sa Kongreso simula pa noong 2019 o limang taon na ang nakararaan.
Ito ay matapos na tuluyang maisabatas at pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ngayong buwan ng Nobyembre ang RA 12071 na tinatawag na “An Act Establishing in the Municipality of Bay, Province of Laguna, A Level 3 General Hospital To Be Known as Laguna Regional Hospital.”
Sa isang pahayag ay sinabi ni Rep. Hernandez na itinuturing niyang tagumpay ng bawat Lagunense ang pagsasabatas ng RA 12071 na magbibigay daan sa pagtatayo ng kauna-unahang Level III DOH-run General Hospital sa kanilang lalawigan.
Katunayan din, aniya, ito ng pagpapatuloy ng Serbisyong Tama na handog niya at ng kanyang asawang si Gob. Ramil Hernandez para sa kanilang mga kababayan sa Laguna.
Ipinaliwanag ni Rep.Hernandez na ang Laguna Regional Hospital ay katulad ng Batangas Medical Center o PGH, kung saan ang kanyang hangarin ay mapalawak ang access sa serbisyong medikal at pangkalusugan ng mga mamamayan sa kanilang lalawigan at maging ng mga taga-kalapit na probinsya.
Sa kanyang Facebook post ay sinabi ni Rep. Hernandez na inaasahan niyang agarang makapagbibigay ng serbisyong medikal ang pagamutan sa pamamagitan ng P150 million na inisyal na pondo, habang itinatayo ang kabuuan ng Laguna Regional Hospital.
“Bilang Principal Author ng batas na ito, sinimulan ko pong inihain ito sa Kongreso sa aking unang termino pa lamang noong 2019,” pahayag niya sa kanyang FB post.
Pagpapatuloy pa ni Rep. Hernandez: “Sa ating pagpupursige ang ating panukalang batas ay pumasa sa Kongreso taong 2023 at sa Senado ngayong taong 2024 hanggang sa pag-pirma ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Nobyembre. “
Inihayag din niya na matagal na niyang pangarap na sa kanilang mismong lalawigan ginagamot, inaalagaan, at nagpapagaling ang mga kababayan niyang mga may sakit at hindi na lumalayo pa para magpagamot sa iba pang mga probinsya o ospital.
“Ito na po ang simula ng katuparan ng ating pangarap na iyon, at masaya po ako na kasama ko kayo sa pagtupad nito. Sama-sama po tayo sa pagtutuloy ng Serbisyong Tama sa Laguna,” diin pa ni Rep. Hernandez.
Matatandaan na noong Marso 9, 2021 pa nang ipasa niya sa Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magpatayo ng Laguna Regional Hospital sa lalawigan ng Laguna.
Noong Disyembre 12, 2023 naganap ang Third Reading sa Kongreso sa panukalang batas na ito na may numerong House Bill 9623.
Kasunod nito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay nagsagawa ng pagpirma ng Deed of Donation sa Department of Health (DOH) ng nasa mahigit dalawang ektaryang lupa sa bayan ng Bay.
Noong Marso 12, 2024 ay tinalakay sa public hearing ng Senate Committee on Health and Demography ang importansya ng pagkakaroon ng isang Level 3 General Hospital ng lalawigan na maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng House Bill 9623 ni Rep. Hernandez.
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan na ang nalalapit na groundbreaking ng itatayong Laguna Regional Hospital sa bayan ng Bay.
Kaya naman lubos na nagpapasalamat sa kanya at kay Gob. Hernandez ang mga mamamayan ng Laguna dahil sa pagusumikap nilang dalawa na ipagpatuloy ang paghahatid ng “Serbisyong Tama” para sa kanilang lalawigan.
ia/mnm