Dahil sa umano’y Ilegal na pagpasa ng 2025 P3.302-B budget
PHOTOS: Laguna Gov. Ramil Hernandez (PDI photo courtesy) & Cabuyao City Mayor Dennis Hain

MANILA — Matapos ulanin ng mga puna at batikos si Mayor Dennis Felipe Hain ng Cabuyao City, Laguna dahil sa kabiguang makatanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng lungsod para taong ito, muli na naman siyang nahaharap sa kontrobersiya, at sa pagkakataong ito ay kasama na niya at nadamay ang buong city council.

Ito ay matapos maisapubliko ang liham ni Gob. Ramil Hernandez para sa mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na may petsang Oktobre 22, 2024, kung saan ay kinastigo niya ang mga ito dahil hindi naaayon umano sa batas ang pagpasa ng P3,302,726,464 na pondo ng lungsod para sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Gob. Hernandez sa kanyang liham na hindi naaayon sa Local Government Code of 1991 at iba pang umiiral na batas ang ginawa ng city council na pagpasa ng pondo na hindi dumaaan sa tamang proseso at deliberasyon.

Ang pagkastigo ni Gob. Hernandez ay base na rin sa sulat na ipinadala sa kanya ni SP Secretary Atty. Venus C. Velasco, MPAf, na naglalahad ng ilang tahasang paglabag ng konseho sa pagpasa ng nasabing pondo.

“Please be reminded that as Members of the Honorable August Body of the Sangguniang Panlungsod of the City of Cabuyao, you are mandated to comply with the provisions of the Local Government Code of 1991 relative to the Preparation of 2025 Annual Budget and its subsequent approval,” pagdidiin ni Gob. Hernandez sa kanyang liham.

Sa ulat ni SP Secretary Velasco na pinatotohanan at sinang-ayunan ni Vice Mayor Atty. Leif Laiglon A. Opiña, sinabi niya na nangyari ang puwersahang pagpasa ng budget sa regular session na idinaos   noong October 15, 2024.

Base sa salaysay ni SP Secretary Velasco, naghain ng mosyon si City Councilor Jaime Onofre Batallones na siya ring sponsor ng ordinansa, para ipasa ang pondo, para sa una, pangalawa at ikatlong pagbasa na inaprubahan naman ng buong konseho.

Nangyari, aniya, ang pagpasa at pag-apruba ng tinawag na “Ordinance of the Local Expenditure program (LEP) for FY 2025 in the amount of PHP3,302,726,464” nang wala umanong ibinibigay na anumang kopya sa kanyang tanggapan at maging sa opisina ni Vice Mayor Opiña.

Ang pagbibigay ng kopya ng nasabing mosyon sa tanggapan ni Vice Mayor Opiña ay base na rin sa itinatadhana ng batas bilang siya ang presiding officer ng Sangguniang Panglungsod.

Sa kanyang liham ay pinagsabihan ni Gob. Hernandez ang mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod na pairalin ang kanilang katapatan sa paglilingkod at pagsunod sa mga inuutos ng batas.

“I trust that our shared commitment to transparent governance will guide us in addressing this concern and fostering a collaborative legislative environment moving (forward),” diin pa ni Hernandez.

Una nang nagpadala ng liham si Gob. Hernandez kay Mayor Hain kaugnay ng paglabag umano nito sa mga umiiral na batas at patakaran kaugnay ng local expenditure program.

Ang kanyang liham ay bilang tugon din sa reklamo ni Sangguniang Panglungsod Secretary Atty. Velasco.

Maging si Bise Gobernador Karen Agapay ay nagpadala rin ng liham kay Hain kung saan ay tinukoy niya ang mga paglabag nito sa alituntunin ng batas kaugnay ng nasabing usapin.

Ito ay dahil na rin sa kapansin-pansin na sa lahat ng anim na lungsod ng Laguna ay tanging Cabuyao City lamang ang hindi kinilala ng DILG at binigyan ng gradong pasado sa SGLG.