By Liza Soriano

NAKATAKDANG bisitahin ngayong araw ng Sabado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang Sitio Kapihan sa Socorro Surigao del Norte  kung saan naninirahan ang mga kasapi ng umano’y kultong Socorro Bayanihan Services Incorporated o SBSI.

Ang gagawing pagbisita ay bahagi ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ng senador, na dating hepe ng Philippine National Police.

Sinabi ni Dela Rosa na kabilang sa kanyang pupuntahan ang umano’y mass grave at ospital sa Sitio Kapihan base na rin sa testimonya ng mga naging testigo  sa Senado na mga dating miyembro ng SBSI na mayroong libingan at ospital sa naturang lugar kung saan si Jay Rence Quilario, alyas Senyor Agila, ang nanggagamot.

Nilinaw naman ng senador na hindi ipapahukay ang libingan kundi aalamin lang kung sino-sino ang nakalibing at ano ang dahilan ng pagkamatay at bakit ito tinawag na mass grave para magawan ng rekomenadasyon sa mga awtoridad.

Matatandaan na noong pagdinig ng Senado ay iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na mayroong mga permit na kailangan para sa pagpapalakad ng mga libingan at ospital.

Sinabi pa ni Dela Rosa na  sila ang magrerekomenda ng kaso kaugnay sa pagpuwersa umano ng SBSI sa mga menor de edad na mga bata na mag asawa na.

Ito’y kinumpirma rin ng Department of Justice (DOJ) at sinabing may 21 menor de  edad ang may kinakasama na mas nakatatanda.

Pagbabatayan din ito sa kanyang  isusulong na paglilinaw sa batas kung saan dapat mapunta ang kustodiya ng mga bata na ayaw nang sumama sa kanilang mga magulang.

(ai/mnm)