NAGPANGGAP umano na lehitimong mga empleyado ang mga kolektor at rebisador ng ilegal na sugal sa Quezon City upang guluhin ang legal na palaro ng Small Town Lottery sa naturang lungsod.
“Sa pamumuno ng isang Bryan Encarnacion, na nagpakilalang alyas Bryan Adame, ay gumawa ng walang katotohanang reklamo ang mga ilegalista at isinubo sa mapagtiwalang taga-media upang siraan at guluhin ang aming legal na STL games,” pahayag ng authorized agent na Lucent Gaming and Entertainment Corp.
Sinabi nito na ang nagpakilalang si Bryan Adame ay kasalukuyang nahaharap sa inihain nilang kasong kriminal, at siya ay minsan na ring naaresto ng pulisya sa ilegal na operasyon ng lotteng na gamit ang mga resulta ng lotto play ng PCSO.
Tao umano si Encarnacion alyas Bryan Adame ng kilalang ilegalista sa QC sa tawag na alyas Peryako na hinihinalang nasa likod ng naaresto ng NCRPO operatives na mga kolektor ng lotteng at jueteng sa naturang lungsod.
Kamakailan lang ay nagpakalat ang grupo ni Encarnacion alyas Adame ng umano’y mga gawa-gawang istorya na sila’y ginigipit ng lehitimong STL agent sa QC na Lucent.
“Walang katotohanan ang lahat na mga sinasabing reklamo kasi ‘yang grupo ni Encarnacion alyas Adame ay hindi kailanman naging bahagi ng aming lehitimong STL games,” paliwanag ng Lucent.
Kasalukuyan nang nakipag-ugnayan ang nasabing authorized STL agent sa pamahalaang Lungsod Quezon, sa lokal na pulisya at sa PCSO upang tugisin ang umano’y mga ilegalistang sina Bryan Encarnacion alyas Adame at iba pang nagpapataya ng jueteng at lotteng sa naturang lungsod na sinasabing “humihigop” sa revenue share sana ng gobyerno mula sa lehitimong operasyon ng lokal na loterya.