SUGATAN ang isang driver ng sasakyan matapos na mabagsakan ng poste ng solar power street light na naganap sa Quezon Avenue, Quezon City kahapon.

Batay sa paunang ulat ang biktima ay nakilalang si Ariel Managaytay, 29 taong gulang at nakatira sa 88 Camia St., Diliman Old Capitol Site, East Avenue, Quezon City.

Nabatid sa report na naganap ang nasabing insidente dakong alas 3 ng hapon sa Edsa corner Quezon Avenue, harapan ng gusali ng DILG.

Napag-alaman na ang nasabing poste ay nakakabit sa taas ng fly over at dahil sa sobrang lakas ng hangin ay bumagsak ito at ang mga natamaan ay isang Fortuner at isang utility van na L-300 na may plakang NBN-2830 na minamaneho ng biktimang si Managaytay.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng pinsala sa ulo at braso para malapatan ng lunas.

Napag-alaman na isang Junjun Lim na taga-Masbate ang contractor ng Solar lights sa Edsa at kasusyo nito ang construction company ng isang nagngangalang Malou Lipana na ang asawa ay opisyal ng Commission on Audit at bayaw naman ang mismong general manager Metro Manila Development Authority (MMDA).

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente at sinisilip na rin ng ilang anti-graft advocacy group kung may nangyaring katiwalian sa proyekto tulad ng overpricing ng materials pero low quality ang pagkagawa o pagkalatag ng mga ilaw na siyang dahilan ng aksidente.