Ni Liza Soriano

ININSPEKSIYON nina Senador Risa Hontiveros at Win Gatchalian ang gusali ng ni-raid na gaming operator na Smart Web Technology (SWT) sa Pasay City.

Hindi makapaniwala ang dalawang senador kung paano nagawa ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ganito kalaki ang umano’y isang prostitution den sa kabila ng pagiging malapit nito sa lokal na pulisya, Department of Foreign Affairs (DFA), Pasay City Hall, at maging sa Senado.

Kapwa rin na-shock ang dalawang senador nang makita nila nang personal ang tinaguriang “torture room” sa loob ng SWT building.

“Gaya n’yo, na-shock din ako sa nakita ko na torture chamber kung saan ginagapos ang mga empleyado ng Smart Web. Walang ilaw, walang pagkain, pasa-pasa at bugbog-bugbog ang sinapit ng mga biktima ng mapangahas at abusadong employer na ito. The walls are literally blood-stained,” wika ni Hontiveros na siyang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

“Seems like we are now the human trafficking and human slavery hub in the world… Ang kinakatakutan ko, lalala at lalala ito,” ayon naman kay Gatchalian.

Ngunit ang mas nakababahala, anila, ay ang pagkakatuklas ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na isang grupo ang nagbibigay ng mga tunay na Philippine government ID sa mga dayuhang manggagawa ng POGO.

“From our initial verification made with the commissioner of the BIR… Nagulat po sila nang malaman nila na nakapasok po sa sistema nila itong mga IDs na ito. So authentic po,” ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.

(ai/mnm)