Ni Liezelle Soriano

MANILA — Nakarating na nitong Sabado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) cargo terminal ang mga labi ng ikatlong overseas Filipino worker (OFW) na napatay sa pag-atake ng militanteng Hamas sa Israel.

Mula sa cargo terminal, dadalhin ang mga labi ng OFW sa Negros Occidental Linggo ng hapon, ayon sa mga awtoridad.

Tumanggi pa rin ang Department of Migrant Workers (DMW) na pangalanan ang naiuwing labi upang bigyan ng respeto ang naulilang pamilya.

Ang babaeng OFW ay isang caregiver na pinatay ng Hamas, ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia.

“Ayon dun sa kuwento mismo ng kamag-anak ng employer, ipinagtanggol niya at hindi iniwanan ang kanyang elderly Israel employer. Sinamahan niya kahit na meron siyang pagkakataon na makaalis,” sabi ni Olalia.

Sinabi pa ni Olalia na tumulong ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagpapauwi ng mga labi at sa pagbibigay ng suporta sa pamilya.

“Tulong-tulong po ang lahat ng ahensiya sa pagbibigay ng tulong, ng assistance dito sa nasawi natin na modern-day hero. Ang OWWA ay nagbigay ng assistance, ganon din ang DMW pati po ‘yung ibang ahensiya ay nagbigay rin po,” ayon sa opisyal.

Samantala, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na 34 OFWs mula sa Israel ang nakauwi na.

(ai/mnm)