By Junex Doronio
MULI NA NAMANG BINANATAN ni Senadora Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte at sinabing kahit noong mayor pa lang ito ng Davao City ay mahilig na ito sa “confidential funds” at sa katunayan ay gumasta ito ng P460 million kada taon mula 2019 hanggang 2022.
Ayon kay Hontiveros, ito ay base sa ulat ng Commission on Audit (COA) at lumabas na mga balita.
“Nakakalula ang halos kalahating bilyong confidential funds ng Davao City kada taon, kung ikukumpara sa confidential fund ng mga malaki at mayamang lungsod gaya ng Makati, Manila at Cebu na hindi man lang umabot sa P100 million,” puna ni Hontiveros.
Pinansin ng senadora ang hilig umano ni Inday Sara sa paggasta ng mga sikretong pondo na nag-umpisa mula noong mayor pa siya ng Davao City at nagpatuloy sa kasalukuyan bilang Vice President, sa kanyang paghingi ng kabuuang P650 million na confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) kung saan siya ang Kalihim.
Bagaman may “fiscal autonomy” ang mga local government unit (LGU) sa ilalim ng 1987 Constitution, tinanong ni Hontiveros ang katuwiran o ang kawastuhan ng Davao City noong mayor pa si Inday Sara na magkaroon ng “P460 million in annual confidential funds” mula 2019 hanggang 2022.
Di hamak na mas malaki ito kumpara sa taunang P10 million intelligence funds ng Philippine Coast Guard (PCG) mula 2013 hanggang 2023, dagdag ng oposisyon na mambabatas.
“While Davao City faces existing security challenges, are these challenges really so much worse than China’s incursions and abuses in our territorial waters? Inaagaw na rin ba ng Tsina ang teritoryo nila tulad sa West Philippine Sea?” tanong ni Hontiveros.
Kanyang idinagdag na babanggitin niya ulit ang kuwestiyonableng paggamit ng confidential and intelligence funds sa Senate plenary debates sa mungkahing 2024 budget.
“Ang pera ng taumbayan ay hindi ATM ng mga pulitiko na basta-basta pwedeng gastusin at ubusin,” diin pa ni Hontiveros. (ai/mnm)