Ang presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) ay muli na namang tumaas ngayong buwan ng Oktubre.
Ito na ang ikatlong sunod na buwan na nagkaruon ng pagtaas sa presyo ng LPG.
Noong Lunes, inanunsiyo ng Petron ang malaking pagtaas na P3.75 kada kilo sa presyo ng LPG, at agad itong ipinatupad. Bukod dito, inaasahan ding tataas ng P2.09 kada litro ang presyo ng kanilang AutoLPG.
Ayon sa Petron, ang mga price hike ay kaugnay ng internasyonal na kontrata ng presyo ng LPG para sa Oktubre.
Sa kabilang dako, ang presyo ng LPG na may tatak na Solane ay inaasahang tataas ng P3.73 kada kilo.
Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng anumang pahayag ang iba pang mga nagtitinda hinggil sa pagtaas sa kanilang presyo, ngunit inaasahan na magpapatupad din sila ng price increase ngayong buwan.
Noong nakaraang buwan, naranasan ang ikalawang sunod na pagtaas ng presyo ng LPG, kung saan nagpatupad ang Petron ng P6.65 dagdag-presyo kada kilo, na sinundan ng Solane na may P6.64 taas-presyo kada kilo.
Base sa monitoring ng Kagawaran ng Enerhiya sa Metro Manila mula Setyembre 1 hanggang 8, ang presyo ng 11-kilogramong LPG para sa bahay ay nagkakahalaga ng mula P790 hanggang P1,018.
(Report at potograpo ni Benjie Cuaresma/ai/mnm)