Ni Liza Soriano
IMINUNGKAHI ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes na tapyasan ang confidential funds ng Department of Agriculture (DA) at ilipat sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC).
Ang panukalang ito ay sinabi ni Tulfo sa deliberasyon ng Senate subcommittee on finance sa proposed 2024 budget ng Department of Justice (DOJ) at attached agencies nito.
Ang budget ng DOJ, kasama ang sa iminungkahi ng attached agencies nito para sa 2024 ay umabot sa P34.486 bilyon
“Wag sanang magalit ang DA, kasi noong last hearing, napansin kong meron silang P50 million confidential funds. Tinanong ko kung para saan [tapos] ang sabi ng taga-DA ay to go after smugglers. Sabi ko nandyan naman ang Bureau of Customs (BOC), ang Philippine National Police (PNP), [o] NBI,” ayon kay Tulfo.
“I’m proposing na medyo pumitas tayo sa budget ng DA sa confidential funds at i-transfer natin doon sa NBI. Siguro i-distribute [din] natin [sa] PNP [o] BOC. Nasa discretion niyo po ‘yon. Para sa akin kasi, it doesn’t make sense na ang DA ay magkakaroon ng confidential funds,” dagdag pa niya.
Iminungkahi ni Tulfo, sa pagdinig ng Kamara sa panukalang alokasyon ng DA noong Oktubre 5, na tanggalin ang secret allocation ng ahensya kung ang layunin lamang nito ay labanan ang anti-agricultural smuggling.
Samantala, sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na dapat dagdagan ang budget ng cybercrime unit ng DOJ at NBI. (ai/mnm)