Buhol-buhol ang trapiko sa parteng ito ng San Marcelino at UN Ave. Ermita, Maynila dahil sa isang nakatiwangwang na manhole ng flood control project ng Department of Public Works and Highways-Manila.
Ayon sa mga estudyante at isang tindera sa lugar, mahigit dalawang buwan na umanong nakatiwangwang ang naturang manhole at wala silang nakikitang mga taong gumagawa sa naturang proyekto ng DPWH.
Kung susurin, maliit lamang na proyekto ito ngunit ito ay umaabot na ng ilang buwan at nagdudulot pa ito ng sobrang pagsisikip ng trapiko lalo na tuwing rush hour. sa naturang lugar.
Hindi lang mga motorista ang umiiwas sa naturang manhole kundi pati na mga taong naglalakad sa kalsadang ito na napakadelikado dahil ang kalyeng ito ay daanan ng mga higanteng truck.
Matutunghayan sa video ang eksklusibong panayam ng MNM sa mga estudyante ng Adamson University na madalas na dumadaan sa naturang lugar.
(Ulat at bidyograpiya ni Benjamin Cuaresma/ai/mnm)