Mga laro sa Linggo:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Chery Tiggo vs Creamline
6 p.m. – PetroGazz vs Choco Mucho
DINISPATSA ng Creamline Cool Smashers ang PetroGazz Angels, 27-25, 23-25, 27-25, 26-24, upang mapanatiling buhay ang kanilang title-retention campaign sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference Huwebes sa Philsports Arena.
“Sobrang intense ng game, hindi kayo bumigay. Iba kayo, champion team kayo,” wika ni Cool Smashers coach Sherwin Meneses.
Pumasok sa laro na may back-to-back losses, na hindi pangkaraniwan para sa isang decorated club tulad ng Creamline, ang seven-time PVL winners ay nagpamalas ng matinding katatagan.
Nakataya ang kanilang conference, nagningning si Jema Galanza para sa Cool Smashers na nakabalik sa kontensiyon makaraang umangat sa 1-1 sa semifinals.
“Siyempre, happy kami at nailaban namin,” sabi ni Galanza. “Pero, hindi pa ako nasa-satisfy sa laro ko dahil wala pa kami sa dulo.”
Makakasagupa ng Creamline ang Chery Tiggo sa final semis matchday sa Linggo, alas-4 ng hapon, sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si Galanza ng 23 points sa 20-of-41 kills, 16 digs at 14 receptions habang nagtala si Carlos ng 4 blocks upang tumapos na may 21points para sa Cool Smashers.
Si Carlos, na dumating kahapon ng umaga mula sa KOVO tryouts sa kanyang unang pagtatangka na magpakitang-gilas sa ibang bansa, ay hindi naglaro sa five-set semis opening loss ng Creamline sa Choco Mucho noong nakaraang Martes.
Nagdagdag sina Jeanette Panaga at Alyssa Valdez ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Creamline.
Nakalikom si Brooke Van Sickle ng 22 points, kabilang ang 4 blocks, 13 digs at 13 receptions, habang gumawa rin si Jonah Sabete ng 22 points at nakakolekta ng 10 digs para sa Angels.
Naitala ni MJ Phillips, sa kanyang ikatlong laro sa PetroGazz, ang pito sa kanyang 17 points mula sa blocks habang nag-ambag si Aiza Maizo-Pontillas ng 10 points.
Nahulog ang Angels, tinalo ang Crossovers noong Martes, sa 1-1.