Ni Liza Soriano

MANILA — Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri at ng iba pang senador ang isang makabuluhang pagdiriwang ng Pasko sa mga pamilyang Pilipino, umaasa na ang mga tao ay patuloy na magkaisa para sa kabutihang panlahat at isulong ang bansa at mga komunidad sa pag-unlad.

Sa kanyang mensahe nitong Linggo (24 Dec 2023), nagbalik-tanaw si Zubiri sa mga naabot ng Senado at iba pang institusyon ng gobyerno.

“Sama-sama po nating ipagpasalamat ang mga biyayang natanggap natin nitong taon, sama-sama rin nating ipagdiwang ang mga nakamit nating tagumpay. Marami tayong nagawa sa ating pagkakaisa,” ayon kay Zubiri.

“At sa patuloy nating pagtutulungan, mas marami pa tayong magsagawa para sa ating mga pamilya, para sa ating mga komunidad, at para sa buong bayan. Dasal ko po na magkaroon kayo ng isang masaya at makabuluhang Pasko kasama ng inyong mga pamilya,” dagdag pa niya.

Hinimok naman ni Senadora Risa Hontiveros ang mga Pilipino na patuloy na magpursigi.

“Gaya ng mga nagdaan nating paggunita sa Kapaskuhan, lagi’t lagi nating tanggapin ang pagpapala, pag-asa, at pag-ibig na dala ng kapanganakan ng Poong Hesus.  Patuloy nating punuin ng liwanag at pag-asa ang ating mga tahanan sa kabila ng matitinding hamon at dagok na ating hinaharap at napagtagumpayan ngayong taon,” ayon kay Hontiveros.

“Sa kabila ng lahat, tayong mga magkakapamilya at magkakapitbahay ay nananatiling nagkakaisa at nagdadamayan, bigyang sigla at lakas natin ang lipunan na patuloy na pa-igtingin ang pagpapabuti ng kagalingan ng bawat isang Pilipino,” dagdag pa niya.

Para naman kay Sen. Nancy Binay, dapat patuloy na maging inspirasyon sa kapwa.

“Kapos man tayo sa mga bagay na materyal, marami po tayong maibibigay sa ating kapwa na magpapasaya sa kanilang Pasko. Nawa’y maging inspirasyon tayo sa ating kapwa upang panatilihing buhay ang diwa ng pagmamahalan at pagbibigayan ngayong kapaskuhan,” aniya ni Binay.

(IAmigo/MNM)