UMALMA ang stakeholders ng karera sa kabayo na pinangasiwaan ng Metro Turf sa lalawigan ng Batangas makaraan nilang matuklasan na labis-labis umano ang kaltas sa pusta para sa documentary stamp tax.
Sa petisyong sa Games and Amusement Board ay isiniwalat ng mga nagreklamong stakeholders na doble umano ang DST na kinukolekta sa taya ng mga namumusta sa karera ng kabayo na idinaraos sa Malvar, Batangas, na pinamamahalaan ng MetroTurf.
Hinikayat din ng mga nagrereklamo ang Bureau of Internal Revenue na busisiin nang husto ang libro ng MetroTurf upang makita kung nakadeklara ang sobrang koleksiyon ng DST mula pa noong 2020 na operasyon nito kung saan ay pinayagan silang maningil ng 10 porsiyentong DST mula sa horce racing bets.
Tinatayang aabot umano sa P300 million ang hindi lehitimong nakolekta ng MetroTurf mula sa 20 porsiyentong sinisingil nito sa mahigit dalawang taon at kalahating operasyon ng karera ng kabayo sa Batangas.
Ang katuwiran ng MetroTurf na batay sa Train Law, na ipinaiiral simula noong 2018, ang paniningil nito ng DST sa horse racing bets ay kinontra naman ng mga nagreklamo na pagsabing 10 porsiyento lang ang pinayagan para sa DST na sisingilin ng MetroTurf sa ilalim mismo ng prangkisa nito na nai-renew noong 2020.
Nakasaad din sa petisyon na kung ang mga sobrang nasingil sa DST ay hindi maipakita ng MetroTurf na nai-remit sa gobyerno at ang nasabing daan-daang milyon-pisong halaga ay nakatago lang ay kailangang ilagak ito sa isang tinawag na escrew account sa banko upang pakinabangan ng stakeholders ‘tulad ng horse owners, trainors, jockeys at horse farm workers keysa personal na maibulsa lamang ito ng iilang tao.
“Kailangan ay suspendihin muna ang betting pernit ng MetroTurf habang hindi nito naire-remit ang sobrang nasingil sa DST sa isang escrow account na dapat ay pamamahalaan bg GAB,” pahayag pa sa patisyon.
Nais din ng mga nagpetisyon ang malalimang imbestigasyon ng BIR sa libro ng MetroTurf upang matiyak kung magkano ang totoong illegaly collected na DST mula pa noon 2021 at paharapin na rin ito sa kanilang mga pananagutan.