Ni Liza Soriano

KUNG talagang may kapabayaan, maaaring sampahan ng kaso ang Food and Drug Administration (FDA).

Ito’y ayon kay Senator Francis Tolentino makaraang hayaan nito ang Bureau of Animal Industry (BAI) na mag-facilitate o manguna sa field trials para sa bisa ng African Swine Fever (ASF) vaccine.

Lumalabas sa ginanap na pagdinig ng Senado na ang FDA lang ang nag-apruba ng protocol para sa clinical trial at ang BAI na ang nagmonitor sa ginawang testing ng bakuna.

Iginiit ni Tolentino na dapat ang FDA ang mangunguna sa clinical trial ng ASF vaccine lalo pa at  ang ahensiya rin ang siyang dapat na nagbibigay ng permit sa mga bakuna at gamot na pumapasok sa bansa.

Dahil dito, nagbabala ang senador na maaaring kasuhan ang FDA ng kapabayaan sa hindi pagtupad sa kanilang tungkulin.

Ipinaalala pa ni Tolentino na kahit may memorandum of agreement (MOA) sa ganitong mga testing ng bakuna ay ang FDA pa rin ang may tungkulin na magsagawa at magmonitor nito.

Hindi, aniya, kailanman maaaring i-delegate o ipasa ng FDA ang kanilang functions o tungkulin kahit pa sa BAI at tanging Kongreso lang ang may karapatang mag-delegate ng tungkulin.

(ai/mnm)