Ni Liza Soriano

MANILA — Iimbestigahan ng Senado ang mga plano at programa ng Metro Manila Development Authority (MMDA)  upang maresolba ang patuloy na pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Sa Senate Resolution 859 na inihain ni Senate Majority leader Joel Villanueva, inaatasan ang kaukulang komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” para alamin ang mga plano at programa ng MMDA para malutas ang matinding daloy ng trapiko.

Base sa datos ng Asian Development Outlook 2019, lumalabas na ang Metro Manila ang pinaka-congested city sa may 278 siyudad mula sa 25 developing Asian countries at kailangan ding maglaan ang mga driver dito ng halos 100% oras kapag bumibiyahe tuwing peak hours.

Nakasaad pa sa resolusyon ni Villanueva na ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ay may matinding epekto sa personal, social, environmental at sa ekonomiya, gayundin sa kalusugan ng mga commuter.

Lumalabas din sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), na ang traffic congestion ay may masamang epekto sa kalusugan ng mga commuter at nakapagpapataas ng lebel ng fatigue at anxiety  at nagdudulot din ng hirap sa pakikipagkomunikasyon at pagtulog.

Ang usok din umano na inilalabas ng mga sasakayan ay nagdudulot ng polusyon tulad ng carbon monoxide (CO), carbon dioxide (CO2), volatile organic compounds (VOCs).

Nauna nang nagbabala ang MMDA sa commuters ng 10% hanggang 20% na increase sa traffic volume o aabot sa 417,000 hanggang 430,000 sasakyan ang dadaan sa EDSA kada araw dahil sa holiday season.

Dahil dito, iginiit ni Villnaueva na dapat nang repasuhin ang mga polisiya, programa at plano ng MMDA, Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensiya ng gobyerno para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Pilipinas.

(ai/mnm)