Ni Liezelle Soriano
MARIING itinanggi ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkoles ang mga alegasyon na sangkot siya sa katiwalian.
Ayon kay Bautista, plano niyang magsampa ng kaso laban sa mga nag-aakusa sa kanya.
Sinabi ni Bautista na walang basehan ang mga akusasyon sa kanya at iginiit na hindi siya tumanggap ng anumang pabor o pera mula nang maupo siya bilang kalihim ng Department of Transportation.
“When I took the helm of the Department of Transportation, I vowed to serve the country and the Filipino people with integrity, which to me is more precious than any material wealth,” wika ni Bautista.
“While these allegations may have distracted us from our work, I vehemently deny involvement in any corruption or inappropriate activities,” dagdag pa niya.
Noong Lunes, inanunsiyo ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsususpinde kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz III matapos itong masangkot sa katiwalian.
Leynes itinalagang LTFRB OIC
Ang board member na si Atty. Mercy Paras Leynes ay itinalagang officer in charge at chairperson ng LTFRB, matapos masuspinde si Guadiz.
Sinabi ni Bautista na inutusan niya si Guadiz na ipaliwanag ang mga alegasyon at iba pang iregularidad sa LTFRB, lalo na sa PUV modernization program.
Walang namang binanggit si Bautista kung anong transport group ang kakasuhan niya.
Sa isang Facebook post ng grupong MANIBELA, sinabi nito na: “PINAGBABANTAAN TAYONG KAKASUHAN NI SECRETARY BAUTISTA!
LABAN MGA KA MANIBELA.”
(ai/mnm)