Ni Liza Soriano

SINABI ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Martes na hindi pa sila nakakapag-usap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa paglaya ni dating Senador Leila de Lima matapos ang halos pitong taong pagkakakulong.

“Wala po. Hindi pa kami nag-usap tungkol diyan,” ayon kay Dela Rosa, na hepe ng Philippine National Police (PNP) nang arestuhin at ikulong ang dating senadora.

Itinakda ng isang korte sa Muntinlupa ang P300,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni De Lima.

Si De Lima, na isang vocal critic ni Duterte sa kanyang termino, ay nakalaya mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City noong Lunes ng gabi matapos magpiyansa.

Pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang kanyang motion for reconsideration sa kanyang petisyon na makapagpiyansa sa kanyang natitirang kaso sa droga.

Si De Lima at ang kanyang mga kapwa akusado na sina dating Corrections Director Franklin Bucayu, driver na si Ronnie Dayan, Joenel Sanchez, at Jad Dera ay pinayagan ding makapagpiyansa ng P300,000 bawat isa.

(ai/mnm)