MANILA — Umabot sa halos isang milyon ang bilang ng mga indibidwal na nagtungo at bumisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong kaanak sa Manila North Cemetery.

Ito’y ayon sa Philippine National Police na nakadeploy sa MNC at anila, ang datos ay nakalap mula nang buksan ang nasabing sementeryo dakong alas-4:00 ng madaling araw ng Miyerkoles.

Sa entrance pa lamang ng Manila North Cemetery ay mahaba na ang pila dahil isa-isang iniinspeksiyon ang mga bag at dala-dalahan ng mga bumibisita.

Samantala, dakong alas-9 ng umaga nitong Miyerkoles (November 1) ay bumisita rin si PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. at kinumpirma na walang banta sa seguridad sa paggunita ng Undas.

Sa pagtungo nito sa MNC, sinabi ni Acorda na wala silang natatanggap at nakakalap na impormasyon hinggil sa banta ng panggugulo ngayong Undas.

Ayon pa sa PNP chief, ipauubaya niya sa area commanders ang pananatili ng seguridad at antas ng alerto depende sa sitwasyon sa kanilang lugar.

(Ulat at potograpiya ni Benjie Cuaresma/ai/mnm)