Isang kahindik-hindik at ‘di kapani-paniwalang pangyayari ang pagsubo at paglunok diumano ng tatlong $100 bills ng isang babeng security screening officer sa NAIA na siyang laman ngayon ng mga balita sa mga pahayagan, telebisyon, radyo, at pati na sa social media kung saan viral na ito ngayon.
Ang hindi lubos maisip ng publiko ay kung papaano pa pakikinabangan ang dollar bill kapag ito’y na-ingest ng isang tao gayong pupuwede itong malusaw at kung magkakagayon ay magiging balewala lamang ang ginawa ng empleyadang nasasakdal.
Ang papel ng perang US ay binubuo ng 25% linen at 75% koton o bulak, na may mga pula at asul na fiber na random na naka-distribute upang gawing mahirap ang pag-imitate.
Ito ang dahilan, ayon sa mga ekspertong nakapanayam sa radyo umaga ng Huwebes (21 Sept. 2023) kung kaya mataas ang posibilidad na matunaw ang naturang dollar bills sa loob ng sikmura ng tao.
Gayunpaman, nag-utos na ang kalihim ng transportasyon na si Jaime Bautista na maximum penalty ang ipataw laban sa SSO na nahuli sa closed-circuit television (CCTV) na nagsubo at lumunok ng $300 bills na umano’y ninakaw mula sa isang papaalis na pasaherong Tsino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pahayag sa media na inilabas noong Huwebes, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na pinahintulutan ni Bautista si Undersecretary for Legal Affairs, Atty. Reinier Yebra, na pangunahan ang pagsasampa ng pormal na mga reklamo laban sa mga sangkot sa alegasyong pagnanakaw.
“Pinahintulutan ng kalihim ang pagpataw ng pinakamalupit na parusa sa mga mapapatunayang may sala upang ipakita ang determinasyon ng departamento na linisin ang NAIA pati na rin ang iba pang mga kaugnay na ahensiya mula sa mga masasamang elemento,” aniya.
Ang nasasakidal na SSO sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ay nahuli sa CCTV na nagsubo ng US$300 (halos PHP17,000) na halaga ng pera sa kanyang bibig.
Ayon sa opisyal ng Airport Police Department (APD), “Malinaw na ipinapakita ng CCTV footage na ang SSO, na may layunin na kumita, ay kumuha ng USD300…sa panahon ng kanyang proseso ng pagsusuri at malinaw na may hawak ng ninakaw na pera at sadyang nilunok ang mga papel na pera upang maiwasan ang pagkakahuli.”
Maalala natin na noong Marso, pagkatapos ng ilang insidente ng pagnanakaw sa mga pasahero, naglabas ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng “no pocket policy” para sa uniporme ng mga security personnel.
Ang insidente ay naganap noong ika-8 ng Setyembre, 2023, dakong alas- 8:20 ng gabi.
(Jr Amigo/ai/mnm)