Ni Patricia Lanzagarita
NABABAHALA at nalulungkot ang mga mag-aaral sa panibagong dagdag-pasahe na hindi lamang ipatutupad sa Metro Manila kung hindi pati na rin sa mga probinsya sa buong bansa.
Ito’y matapos dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng mga transport group na taasan ang minimum na pasahe sa gitna ng pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Nakatakdang magbigay ng pinal na desisyon ang LTFRB ukol sa taas-pasahe sa susunod na linggo.
Kaugnay nito ay naglabas ng kanilang hinaing ang mga estudyanteng komyuter.
Ayon kay Prince, isang working at BS Psychology student na halos araw-araw gumagamit ng pampublikong sasakyan, malaki ang epekto nito sa kanya dahil sa halip na maipandadagdag niya ito sa mga gastusin para sa eskwelahan ay mapupunta pa ito sa pamasahe.
“Bilang isang commuter na araw-araw sumasakay ng jeepney, nakalulungkot at nakakabahala ang pagtaas ng pamasahe dahil alam naman nating mahirap ang buhay ngayon,” sabi ni Prince.
Para naman sa isang BS Information Technology student na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan, bagaman sang-ayon siya sa pagtaas ng pamasahe dahil kita niya mula sa kanyang araw-araw na karanasan ang pagkadismaya ng mga tsuper ay masakit na, aniya, sa bulsa ang malaking pagtaas nito.
“Bilang estudyante, oo [malaki ang epekto nito] kasi umaasa lang naman ako sa baon na ibinibigay sa akin kada araw kaya bina-budget ko nang maigi ‘yung gastusin ko araw-araw,” sabi niya.
Samantala, idiniin naman ni Threo, isang BA Journalism student, ang malaking epekto nito sa kanyang allowance dahil ang malaking porsiyento umano nito ay nakalaan na sa kanyang transport expenses.
“Hindi rin natin masisisi dahil kailangan ding kumita ng mga drayber. ‘Yung issue naman ng pamasahe eh madalas nagmumula sa issue ng pagtaas ng langis na kung titingnan ay wala sa kamay ng common commuters or jeepney drivers ang mga possibleng mga solusyon kaya ang dapat umaasikaso dyan ay yung mga nakaupo,” dagdag pa niya.
Tila umaaray na ang ilan sa mga estudyante sa dagdag-pasahe kahit wala pa man ang opisyal na desisyon ng LTFRB ukol dito. (ai/mnm)