INAASAHAN ng Department of Trade and Industry na bababa ang presyo ng pagkain ngayong pagsapit ng ‘ber’ months o holiday season sa bansa
Ito ay matapos ipatigil ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangongolekta ng libo-libong pass-through fees sa mga truck ng pagkain at kalakal.
Para kay DTI Secretary Alfredo Pascual, perfect timing ang utos ni Pangulong Marcos dahil inilabas ito sa simula ng ‘ber’ months.
Ayon kay Pascual, umaabot mula P75 hanggang P2,500 kada truck ang sinisingil ng ilang local government unit bilang pass-through fees sa ilalim ng mga lokal na ordinansa.
Aniya, dahil sa pass-through fees, tumataas ang gastusin sa logistics, na naipapasa naman sa mga konsyumer pagdating ng produkto sa merkado.
Iginiit din ni Pascual ang posisyon ni Pangulong Marcos na hindi maaaring maningil ng pass-through fees ang mga LGU para sa mga kalsada o government infrastructure na itinayo ng national government.
“This is one of the things they complain about, the pass-through fees that increase the costs of production and delivery of their products, so they are asking for an increase in the suggested retail price,” ani Pascual.
“We are not only lowering costs, we are also speeding up delivery so that the products from our farms arrive really fresh in our markets,” iginiit niya.
May ilang food manufacturers tulad ng Canned Sardines Association of the Philippines ang nagpasalamat kay Pangulong Marcos dahil imbes na pagtaas ng suggested retail price ang ibinigay, pagtanggal ng pass-through fees ang inihandog ng administrasyon.
Nagpasalamat naman si Pascual sa mga LGU na agad sumunod sa kautusan ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng Executive Order No. 41, inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng local government unit na ipatigil ang koleksiyon ng kahit anong pass-through fee sa lahat ng sasakyan na nagdadala ng paninda at kalakal.
Kasama rito sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, Mayor’s Permit fees at iba pa.