Ni Liezelle Soriano

NANAWAGAN si House Deputy Majority Leader Alfred Delos Santos sa Commission on Higher Education (CHED) at state universities and colleges na gawing benepisyaryo ng kanilang scholarship programs ang mga dependent ng tatlong overseas Filipino workers na napatay sa giyera sa pagitan ng Israel at ng Hamas militant.

Sinabi ni Delos Santos na tungkulin ng estado na pangalagaan ang mga dependent nina Angeline Aguirre, Paul Vincent Castelvi, at Loreta Alacre, partikular ang mga nasa kolehiyo at mga papasok na sa kolehiyo.

Ayon kay Delos Santos, maituturing na bayani ang mga Pilipinong nasawi sa Israel.

“Silang tatlo ang matuturing na mga bayani ng kasalukuyan panahon dahil sa nagbuwis sila ng buhay habang sila’y OFW, habang nag-aalaga ng kanilang mga pasyente,” ayon sa mambabatas.

“Nangyari iyan sa gitna ng maraming taon ng sakripisyo para sa pamilya, at pagbibigay dignidad sa lahat ng Pilipino at sa ating bansa,” ayon pa sa kongresista.

Sinabi ni Delos Santos na may flexibility ang CHED at SUCs upang matukoy kung alin sa kanilang mga scholarship program, grant, o subsidies ang ilalapat sa bawat dependent ng OFW fatalities.

Nauna nang ipinag-utos ng Department of Foreign Affairs ang mandatory repatriation ng mga Pilipinong nasa Gaza.

(ai/mnm)