Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UP vs DLSU (Men)
12 noon – FEU vs Ateneo (Men)
2 p.m. – UP vs DLSU (Women)
4 p.m. – FEU vs Ateneo (Women)
NAKOPO ng University of Santo Tomas ang kanilang ika-4 na sunod na Final Four appearance makaraang walisin ang Adamson, 22-25, 25-20, 26-24, 25-20, sa UAAP women’s volleyball tournament nitong Miyerkoles sa Mall of Asia Arena.
Nagpakawala si sensational rookie Angge Poyos ng season-high 31 points, 6 digs at 5 receptions para sa Tigresses na umangat sa league-best record na 9-1.
Nauna rito ay sinandigan ni Bella Belen ang National University sa 25-14, 25-14, 25-12 pagbasura sa University of the East.
Sa straight-set victory, ang ika-8 sa 10 laro, ay lumapit ang Lady Bulldogs sa ika-3 sunod na Final Four appearance.
Ang scoring output ni Poyos ang pinakamataas ng isang Tigress magmula nang magtala si Eya Laure ng career-high 31 points sa 25-19, 25-21, 29-31, 33-31 panalo ng UST kontra Ateneo noong May 19, 2022.
“Thankful kasi comeback game nga for us kasi natalo kami last game against NU. Thankful kasi nakapag-contribute pa rin ako sa game. Thankful din ako sa mga ates ko kasi patuloy silang kumakapit at lumalaban para sa team,” sabi ni Poyos.
Sa kabila ng paglisan nina Laure, Imee Hernandez at Milena Alessandrini at pagkakaroon ng young roster, ang Tigresses ay balik sa Final Four.
“Yung hardwork ng mga bata, hindi matatawaran,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes. “Well prepared naman yung team, may kasamang swerte at nakuha namin ‘yung dati naming inaasam na at least mapasama kami sa Final Four. Ngayon nandito na.”
Umiskor sina Jonna Perdido at Regina Jurado ng tig-12 points habang kumana si Bianca Plaza, pumalit kay Em Banagua, ng perfect 6-of-6 attacks upang tumapos na may 7 points para sa Tigresses.
Nakakolekta si Barbie Jamili ng 20 points at 13 receptions para sa Lady Falcons, na nahulog sa 2-7.