Sa pinaigting na kampanya ng National Capital Region Police Office laban sa naglipanang mga ilegal na sugal ay naaresto kamakalawa ang hinihinalang administrador ng malaking ilegalista sa Lungsod Quezon.
Kinilala ng mga tauhan ni NCRPO chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang naarestong isa sa mga pasimuno ng ilegal na sugal sa QC na isang Bryan Z. Encarnacion, 38 anyos at nakatira sa Barangay Krus na Ligas.
Si Encarnacion ang pinaniwalaang engkargado o administrador ng isang Alyas Perry na umano’y nasa likod ng malawakang lotteng operations sa Lungsod Quezon.
Sa spot report kay Gen. Nartatez ng NCRPO operatives sa pamumuno ni Lt. Col Edmar Christian Allen Tuburan ay sinabing nasamsam sa suspek ang mga gamit sa illegal na sugal at ang perang ginawang pantaya sa lotteng nang siya ay naaresto kamakalawa ng hapon sa Morato street, QC.
Sa kaugnay na balita ay iniulat ng punong himpilan ng NCRPO na libu-libong mga suspek na sa ilegal na sugal ang nalambat noong huling mga buwan ng nakaraang taon dahil sa pinaigting nitong kampanya laban sa mga ilegalista sa Malakhang Maynila.
Sa Lungsod Quezon pa lamang ay nagtala na umano ng mahigir 1,780 suspek ang mga nasakote ng kapulisan na umano’y kinabibilangan ng ilegal na sugal na tulada, tong-its, mahjong, cara y cruz at lotteng o ang numbers game mula sa resulta ng Lotto EZ 2.
Sinabi ni NCRPO chief Gen. Nartatez na walang humpay ang gagawing anti-gambling operations ng kapulisan sa punong rehiyon ng bansa hangga’t may mga ilegalistang namamayagpag sa alinmang sulok ng Kalakhang Maynila.
“Ang pagsugpo sa kriminalidad ang pangunahin naming tungkulin upang mabigyan ng payapang pamumuhay ang bawat pamayanan sa Merro Manila, pero hindi namin pwedeng pabayaan na lang ang paglipana ng mga pasaway sa ilegal na sugal,” pahayag ni Gen. Nartatez.