By Vergel Labesig
NANAWAGAN ang Teacher’s Dignity Coalition sa publiko na maging mahinahon at huwag agad husgahan ang guro na nanampal umano ng kanyang estudyante sa Antipolo na kalaunan ay nasawi dahil sa pamumuo ng dugo sa ulo.
“Sa ngalan ng patas na presentasyon ng usapin, dapat lamang na makuha rin ang panig ng nasabing guro habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon,” ani Benjo Basas, national chairman ng nasabing grupo.
Ayon kay Basas, sakali mang totoo na sinaktan o sinampal ng guro ang kanyang estudyante, paglabag ito sa mga umiiral na panuntunan ng Department of Education, partikular ang Child Protection Policy (DepEd Order No. 40, s. 2012) at maaari siyang maharap sa kasong administratibo.
“Gayunman, ang konklusyon kung ang nasabing pananampal nga ang naging dahilan ng pagkamatay ng nasabing bata ay ang malaliman at siyentipikong imbestigasyon lamang ang makapagsasabi,” sabi ni Basas.
“Para sa katarungang hinahangad ng lahat, marapat na itaguyod at igalang ang kaukulang proseso ng batas. Dahil mawawalan ng saysay ang hinahangad na katarungan kung walang kahinahunan, katwiran at patas na pagtingin sa lahat anggulo ng usaping ito,” dagdag pa niya.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang grupo sa mga magulang at buong pamilya ng batang mag-aaral na namatay.
“Walang katumbas ang sakit na mawalan ng minamahal na anak. Kaya naman hangad namin na agarang mabatid ang mga sirkumstansiya sa nasabing insidente upang mabigyan ng kapanatagan at ng inaasam na katarungan ang lahat ng panig,” ani Basas.