Ang tradisyunal na larong gagamba ay maaari na ninyong ikakulong ngayon.
Magsilbi sana itong babala dahil sa maniwala kayo’t sa hindi, ang paglalaro ng labanan ng mga gagamba ay bawal na sa ngayon at maaari pa kayong makulong!
Ito’y napatunayan ng apat na kalalakihan sa Lian, Batangas matapos silang arestuhin at ikulong ng mga awtoridad ng dahil sa paglalaro ng mga gagamba na kanilang pinaglalaban-laban hanggang sa mabalutan ng sapot ang kalaban at madeklarang panalo ang isa.
Agad naman kumambyo ang kapulisan at ipinaliwanag sa publiko na ang kanilang pag-aresto ay hindi dahil sa larong gagamba kundi dahil sa ilegal na pagsusugal o pustahan.
Ngunit ayon pa sa ibang manlalaro nito, bihira naman ang hindi magkaroon ng tayaan sa spider fights na pasikreto pa ring isinasagawa ng mga adik sa labanan ng gagamba na mayroon pang lagayan na magagarang selda na kasinlaki ng matchbox.
Pinagsanib na puwersa ng Lian Municipal Police Station at mga tauhan mula sa RSOU RID PRO4A ang nagsagawa ng pag-aresto sa apat na suspek sa Brgy. Matabungkay, Lian, Batangas kamkailan.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jake Arroyo, Elson Canteras, Venancio Tabita, at Jomark Casanova, na pawang mga construction worker at residente ng Calaca, Batangas.
Natagpuan sa operasyon ang 17 gagamba, tatlong cage box na ginagamit sa mga labanang gagamba, tatlong kawayang stick na ginagamit bilang tulay sa laban, at P1300 cash na pampusta.
Ang mga kinumpiskang gagamba ay nasa pangangalaga ngayon ng mga awtoridad at ipiprisinta bilang ebidensiya sa korte. Kapag natapos na ang kanilang papel sa legal na proseso, sila ay ilalabas pabalik sa kanilang natural na tahanan, ayon pa sa kapulisan.
(Junior Amigo/ai/mnm)