UMALMA ang isang dog owner sa umano’y sobrang mahal maningil ng isang dog hospital sa Quezon City para sa gamutan ng kanilang alagang aso.
Sa sumbong na ipinarating sa MnM ay nagngingitngit na ipinakita ng isang abogado ang “hospital bill” para sa confinement ng maysakit na aso ng kanyang kliyente.
“Apat na araw lang pero umabot ng mahigit P35,000 ang pinababayaran sa amin para sa sinasabi ng taga-ospital na mga gamot, pagkain at iba pang gamit sa gamutan ng aming aso,” pahayag ng abogado na nagsabing inihahanda na nila ang pormal na reklamo laban sa nasabing dog hospital.
Sa ipinakitang bill ay nakasaad ang libu-libong-pisong halaga ng pagkain at gamot at maging ang confinement charge or hospitalization day na abot sa P2,500.
May iba pa umanong mga gamot na pinababayaran sa dog owner gayung sinabi naman ng ibang beterinaryo na hiningian nila ng 2nd opinion na hindi talaga kailangan.
Nauna rito ay naiulat na rin sa social media ang dalawa pang insidente na umano’y nagsasabi na sila man ay nasingil din ng sobrang mahal ng parehong dog hospital.
Sa kanyang post sa Facebook ay sinabi isang dog owner na umabot umano s higit P120,000 ang pinababayaran sa kanya ng naturang ospital para sa gamutan ng kanyang alagang aso.
Dahil sa kakulangan ng pambayad ay humingi ng tulong o donasyon sa social media community ang may-ari ng asong maysakit sa kagustuhang mailabas ang kanyang alaga hayop sa nasabing dog hospital.
Parehong kaso ng panawagan para sa donasyon ng netizens ang ginawa rin ng isang dog owner matapos siyang singilin ng parehong ospital ng sobrang mahal para sa confinement ng kanyang alagang aso na umabot umano ng libu-libong piso.