INIATRAS na ng brodkaster ng DyME radio station sa lalawigan ng Masbate ang patong-patong na kasong kanyang inihain sa Ombudsman laban kay Governor Antonio Kho at iba pa noong Marso 25, 2024.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ni Jay Alfaro, Secretary ng Masbate Quad Media Society (MQMSI) nitong Sabado, Agosto 17, sinabi nitong iniurong na niya ang mga kaso laban kina Kho sa pamamagitan ng pagsusumite ng boluntaryo at personal na ‘affidavit of desistance’ sa tanggapan ng Ombudsman noong Agosto 13, 2024.
Aniya, ang mga kadahilanan nito ay nalaman niya na ang nasabing mga asunto ay una nang isinampa ng presidente ng MQMSI na si Ruben Fuentes at may ‘outright dismissal’ na dahil sa walang prior adverse finding at premature ang pagsasampa nito dahil ang basehan lamang ay ang observation ng Commission on Audit.
“Nalaman ko na nagsumite na ng kanyang affidávit of desistance si Fuentes noong Marso 14 dahil walang makitang anomalya sa mga proyekto” pahayag ni Alfaro.
Idiniin din ni Alfaro si Masbate City Mayor Socrates Tuason na siyang utak o may pakana sa pagsasampa ng kaso upang siraan umano ang mga kalaban nito sa politika gamit ang local media sa Masbate.
Kaugnay nito, humingi ng dispensa si Alfaro sa pamilya ni Gov. Kho, department heads at mga pribadong kontraktor.
Nanawagan din ang brodkaster sa mga mamamahayag sa Masbate na huwag magpagamit o sumali sa laban ng mga pulitiko upang maproteksyunan ang institusyon at hindi mawala ang tiwala ng mga mamamayan.
“Hiling ko lang po sa mga kasamahan ko sa Media sa Masbate, huwag po tayong magpagamit o sumali sa laban ng mga pulitiko para maprotektahan ang ating institusyon at hindi mawalan ng tiwala ang mga Masbateño sa atin” pagtatapos ni Alfaro.
Samantala, wala pa ring pahayag ang alkalde ng Masbate City sa ipinukol na alegasyon ni Alfaro sa kanya.
Gayunman, nananatiling bukas ang espasyo ng MnM para sa anumang komento ni Tuason tungkol sa pag-atras ng complainant sa mga kasong isinampa nito.