BAGO pa man nakaboto ang Badjao na ito, kasama ang ilang kapwa Badjao, sila ay una nang hinarang sa main gate ng Malabanias Integrated School sa Angeles, Pampanga nitong Lunes, ika-30 ng Octubre, araw ng halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa simula pa lang ng kanilang pagpasok sa gate, inakusahan na sila na “flying voters” kahit na sila ay nagpakita ng mga dokumento na nagpapatunay na sila ay mga lehitimong botante sa nasabing lugar.
Sa gitna ng komosyon, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Commission on Elections (COMELEC) at natuklasan na ang grupo ay talaga namang nakatala sa listahan ng mga botante.
Nagkaroon ng reklamo mula sa mga Badjao na kanilang naranasan ang profiling na naging dahilan kung kaya sila hinaharang sa simula.
Sa tulong ng mga kamag-anak na sumuporta sa grupo, matagumpay na nakaboto ang mga Badjao, at naging maayos ang kanilang halalan.
Sa kabila ng magandang takbo ng halalan sa eskwelahan, may mga ilang indibidwal na nagreklamo dahil nawawala ang kanilang mga pangalan sa master list na nakapaskil sa mga presinto. Sa kasalukuyan, wala pang maayos na sagot mula sa mga tauhan ng COMELEC ukol sa kanilang reklamo.
(Benjamin Cuaresma/ai/mnm)