MANILA — Idineklarang kandidatong panggulo o nuisance candidate ng Commission on Elections (Comelec) ang isang babae na tumatakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Laguna gamit ang alyas na “Ram,” isang pangalang panlalaki na sinasabing ginaya upang linlangin ang mga botante.

Sa desisyon ng Second Division ng Comelec, nakasaad na kanselado ang kandidatura ni Winy “Ram” Villanueva Hernandez para sa posisyong Kinatawan sa House of Representatives ng 2nd District ng Laguna sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.

Ayon sa petisyon na isinampa ng kasalukuyang gobernador ng Laguna na si Ramil Hernandez, ang alyas na “Ram” ay ginamit lamang ni Winy Hernandez nang siya’y magsumite ng kanyang sertipiko ng kandidatura noong Oktubre 6, 2024.

Sa petisyon, iginiit ni Gob. Hernandez na kilala si Winy sa kanilang komunidad bilang “Winy” o “Winnie” at hindi kailanman ginamit ang alyas na “Ram.”

“Ang biglaang paggamit ng alyas na ito ay malinaw na sinadya upang lituhin ang mga botante at linlangin sila na isipin na siya ay may kaugnayan sa akin,” pahayag ng gobernador.

Dagdag pa ng gobernador, kung hindi ito aaksiyunan, maaaring magdulot ng kalituhan ang mga pangalang lilitaw sa balota, na kinabibilangan ng “Hernandez, Ram,” “Hernandez, Ramil,” at “Hernandez, Romeo.”

Sa sinumpaang salaysay ng dalawang testigo na residente ng Barangay Tuntungin Putho, Los Baños, Laguna, inilahad nila na kilala nila si Winy bilang “Winnie” at ito rin ang pangalang ginagamit niya sa social media. Anila, halos hindi kilala si Winy sa kanilang bayan, na nagbibigay-duda sa kanyang layunin sa pagtakbo para sa posisyon.

Sa desisyon ng Comelec, nakasaad na, “Ang paggamit ng alyas na ‘Ram’ ay malinaw na may layuning magdulot ng kalituhan sa mga botante at maaaring magdulot ng pagbaluktot sa resulta ng halalan. Dahil dito, idinedeklarang kandidatong panggulo si Winy ‘Ram’ Villanueva Hernandez, at ang kanyang kandidatura ay kanselado.”

Matatandaang una nang idineklarang kandidatong panggulo ng Comelec ang isa pang tumatakbo sa parehong distrito na si Dante Aguilar Hernandez, na gumamit naman ng alyas na “Romeo” upang magdulot din ng kalituhan.

Ang desisyong ito ng Comelec ay naglalayong tiyakin ang maayos at patas na proseso ng halalan, ayon sa tagapagsalita ng komisyon.

IA/MNM