MANILA — Idineklara kamakailan ng Commission on Elections (Comelec) na nuisance candidate si Jemma “Rose” Villanueva Hernandez na naghahangad na tumakbo bilang gobernador ng Laguna sa darating na lokal at pambansang halalan.
Ang desisyon na inilabas ng 2nd Division ng Comelec noong Disyembre 11 ay nagsasaad na si Hernandez ay “lacked a bona fide intention to run for governor, and thus, her candidacy cannot be taken seriously.”
Nakasaad pa sa desisyon na,
“Wherefore, premises considered, the Petition is GRANTED. Respondent Jemma ‘Rose’ Villanueva Hernandez is hereby declared a nuisance candidate.”
Dagdag pa rito, kinansela at hindi na binigyan ng bisa ang kanyang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-gobernador.
“Accordingly, the certificate of candidacy (COC) filed by the respondent for the position of governor was denied due course and cancelled,” ayon sa desisyon.
Nilagdaan ito ni Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioners Rey Bulay at Nelson Celis.
Naghain ng COC si “Rose” Hernandez noong Oktubre 6, gamit ang pangalang “HERNANDEZ, ROSE” sa opisyal na balota, sa halip na ang kilala niyang mga pangalan na Jemma o Kuya Jemma.
Nagpetisyon laban sa kanyang kandidatura si Cong. Ruth Hernandez ng 2nd District ng Laguna, na tumatakbo rin bilang gobernador. Ayon kay Ruth Hernandez, layunin ng kandidatura ng respondent na lituhin ang mga botante at gawing katawa-tawa ang proseso ng eleksiyon.
Sa desisyon, sinabi ng Comelec na ang pagpapalit ng pangalan ni Hernandez ay hindi personal o propesyonal na dahilan, kundi isang “calculated decision made for the sole purpose of confusing voters.”
Idinagdag pa ng Comelec
na, “The name ‘Rose’ bears a striking resemblance to petitioner’s first name, ‘Ruth,’ and when coupled with the shared surname ‘Hernandez,’ it creates an almost indistinguishable identity from petitioner.”
Dagdag pa ng poll body, “This trick seems to be aimed at misleading the electorate, particularly those who may not be familiar with the full backgrounds of candidates, and capturing votes intended for petitioner.”
Dalawang saksi mula sa Barangay Tuntungin Putho, Los Baños, Laguna ang nagpahayag sa kanilang mga affidavit na kilala nila ang respondent bilang “Jemma” at hindi “Rose.” Kinumpirma rin nilang ginagamit niya ang pangalang “Jemma” sa kanyang Facebook account at wala siyang matatag na pinagkakakitaan upang magpatakbo ng seryosong kampanya.
Ayon pa sa Comelec, “Running for a governor is an ambitious undertaking that needs significant financial backing, and without a secure financial foundation, it is highly unlikely that respondent is capable of executing a campaign of the necessary scope and scale to be competitive.”
“In conclusion, respondent’s inability to fund credible campaign calls into question the authenticity of her candidacy…Instead, it appears that respondent’s campaign may serve other purposes, such as disrupting the election or diverting votes from other candidates. As such, her candidacy should be disqualified under Section 69 of the Omnibus Election Code, as it serves no legitimate purpose.”
Matatandaang nauna nang kinansela ng Comelec ang mga kandidatura ng dalawang indibidwal na gumamit ng apelyidong Hernandez upang tumakbo sana para sa pagka-kongresista sa 2nd District ng Laguna. Napag-alamang layunin lamang nilang guluhin ang eleksiyon at bawasan ang boto para kay Gov. Ramil Hernandez, na tumatakbo rin sa parehong posisyon.
Ia/mnm