Ni Liza Soriano

HUMIRIT ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na dagdagan ang patrol vessels na magbabantay at aalalay sa mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa panukalang 2024 budget ng Department of Agriculture (DA) at attached agencies nito, sinabi ni BFAR Director Demosthenes Escoto na sa ilalim ng kanilang re-fleeting program ay humihiling sila ng tatlong bagong vessels para sa kada dalawang taon.

Ito, aniya, ang target sa ngayon  para sa pagsapit ng 10  taon ay kumpleto na nila ang set ng kinakailangang patrol vessels sa WPS.

Sa pagtaya ng BFAR, ang bawat MCS patrol vessel ay nagkakahalaga ng P150 million hanggang P200 million at ang bawat vessel ay may kakayahang magsuplay ng langis at iba pang logistics tulad ng pagkain na makatutulong din sa  mga mangingisda.

Bukod dito ay maaaring magamit ang mga vessel sa relief operations tuwing may kalamidad.

Suportado naman ni Senator JV Ejercito ang panukalang ito ng BFAR dahil mas dapat na nakikinabang, aniya, sa marine resources ng West Philippine Sea ay ang mga mangingisda Pinoy at hindi ang mga Chinese militia vessel.

Iminungkahi rin ni Ejercito na mabigyan ng kaunting intelligence fund ang BFAR para pambili ng vessel dahil nagagamit din ito sa pagpapatrolya sa exclusive economic zone ng bansa sa WPS.

Sinabi  naman ni Senadora Cynthia Villar na nasa P50 million lamang ang intelligence fund na ire-realign at kukulangin ito sa halaga ng bawat maliliit na barko.

(ai/mnm)