Ni Liezelle Soriano
MANILA — Nanawagan si Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Tayag na huwag idamay ang kanilang ahensiya sa usapin ng Charter change.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na ginagamit ang isang programa ng DOH para sa signature campaign sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
“‘Huwag na tayong dumagdag sa usapin lalo na idinadawit pa ang DOH. Kawawa naman ang mga humihingi ng tulong sa amin kasi patuloy naman ang pagbibigay namin ng tulong sa kanila, kasama na itong MAIFIP Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients),” wika ni Tayag sa isang panayam sa radyo.
“Naiintindihan namin na mainit ang usapin diyan. Hayaan lang natin ang mga mambabatas na magdeklara kung ano ang magandang paraan kung talagang itutuloy nila ang Charter change,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din niya na hindi praktikal kung gagamitin ng signature campaign movers ang medical aid program para sa kanilang agenda dahil kakaunti lang ang benepisyaryo nito.
“Unang una, kung ang pakay… ‘yung People’s Initiative ay hindi naman gano’n karami ang nabibigyan ng MAIFIP. Halimbawa, sampu lang isang buwan, kung ‘yun ang pagtutuunan ng pansin sa People’s Initiative ay nagsayang ka lang ng oras,” dagdag pa ni Tayag.
Nauna nang kinumpirma ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na may nakarating na ulat sa kanila na may nagaganap na signature campaign para sa Cha-cha.
(el Amigo/MNM)