NANANATILING malakas at nangunguna pa rin si Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa survey sa pagka-senador sa darating na nahalalan sa Mayo 2025.
Sa pinakahuling survey ng Octa Research na isinagawa nitong Setyembre 30-Oktubre 4 sa 1,200 respondents lumabas na anim sa 10 o 60 porsyentong Pinoy ang boboto kay Tulfo bilang Senador.
Malayong nasa pangalawa pwesto lamang si incumbent Sen. Bong Go na may 49 porsyento, habang ang magbabalik Senador naman na si Tito Sotto ay nasa ikatlong pwesto na may 42 porsyento.
Pasok din sa Magic 12 sina Sens. Imee Marcos at Ronald dela Rosa na kapwa may 39%; Sen Pia Cayetano 36%; dating Manila Mayor Isko Moreno 35%; Dating Sen. Ping Lacson at Sen. Bong Revilla, kapwa 32%; Sen. Francis Tolentino, 28%; at Sen. Lito Lapid at dating Sen. Manny Pacquiao na kapwa 26%.
Si Tulfo na dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ngayon ay kinatawan ng ACT-CIS partylist, ang siya ring namayagpag at malayong nanguna sa nakaraang survey ng Octa nitong 2nd quarter ng 2023.
Si Tulfo rin ang nanguna sa mga survey na isinagawa ng iba pang survey firms tulad ng Ocolum noong Hulyo 2023.