Mas pinalakas pa ng Globe ang kampanya nito kontra sa mga banta ng cybersecurity sa pamamagitan ng pag-blacklist at pag-deactivate sa dumaraming bilang ng mga SIM na sangkot sa ilegal na gawain o operasyon.
Sa unang tatlong buwan ng taong 2024, na-blacklist ng Globe ang 36,549 na SIM mula sa ibang mga mobile carrier, mas mataas ng 62% kumpara sa 22,455 na naitala mula Enero hanggang Marso 2023..
Itinigil din ng Globe sa Q1 2024 ang serbisyo ng 841 na SIM mula sa sarili nitong network na pinagmumulan ng spam o scam SMS. Ang bilang na ito ay nagpapakita ng 30% na pagtaas taun-taon mula sa 647 na Globe SIM na na-deactivate noong Q1 2023.
“Walang lugar ang Globe para sa mga ganitong gawain gamit ang SIM, na banta sa seguridad ng network at nakakasira sa customer experience ng Globe users. Ang aming patuloy na pag-block sa mga ito ay nagpapakita ng aming matibay na paninindigan laban sa mga banta ng cybersecurity,” sabi ni Anton Bonifacio, ang Chief Information Security Officer ng Globe.
Ang mga kaso ng pag-abuso sa SIM ay natutukoy sa tulong ng mga monitoring systems ng Globe at mga report ng customer sa Stop Spam portal. Agaran ding dine-deactivate o binablacklist ng kumpanya ang mga naturang SIM para maprotektahan ang mga customer at mapanatili ang kalidad ng serbisyo.
Nakipagsanib-puwersa rin ang Globe sa iba pang mga telco, bangko, online retail platforms, at mga ahensya ng gobyerno para pigilan ang SIM-aided fraud.
Nananawagan din ang Globe sa mga gumagamit ng mobile phone na mag-ingat sa mga lumilitaw na taktika ng pandaraya na nangyayari sa labas ng mga network ng telco, tulad ng mga scam SMS na ipinapadala gamit ang mga over-the-top messaging app at spoofing.
Dahil sa panganib na dala ng mga SIM na ito sa personal at pinansyal na impormasyon, hinihikayat ng Globe ang mga customer na manatiling mapagmatyag. Huwag sagutin ang text at tawag, at iwasang i-click ang link sa mga SMS mula sa ‘di kilalang sender.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/.