Patuloy ang pagtaas ng bilang ng child pornography at illegal gambling sites na nahaharang ng Globe.
Mula Enero hanggang Hunyo 2024, hinarang ng Globe ang 1,718 domains at 190,167 URLs na patungkol sa child pornography. Malaking pag-angat ito mula sa 1,295 domains at 129,652 URLs na na-block noong 2023.
Napigilan din ng Globe ang pag-access sa 2,726 domains ng mga illegal gambling sites, kumpara sa 1,828 noong nakaraang taon.
Sinisiguro ng Globe na ang mga programa ng kumpanya ay naaayon sa Anti-Child Pornography Act of 2009 (Republic Act 9775). Ang batas na ito ay nag-aatas sa mga internet service providers (ISPs) na gamitin ang teknolohiya para maiwasan ang access sa child pornography.
“Misyon ng Globe na gawing ligtas ang internet para sa lahat, lalo na sa mga bata. Ang mas pinaigting naming pagsisikap na pigilan ang access sa mga mapanganib na content ay patunay ng aming dedikasyon sa online safety,” ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer at Chief AI Officer ng Globe.
Nag-invest ang Globe ng higit sa $2.7 milyon sa mga advanced content filtering systems para mas mapaigting ang pagharang sa illegal content.
Nakikipagtulungan din ang Globe sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Justice (DOJ), Philippine Chamber of Telecommunications Operators, at mga non-government organizations para mas palakasin pa ang proteksyon ng mga bata online.
Ayon sa pag-aaral ng US-based National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC), ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang pinagmumulan ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) content.
Kaya naman hindi lang pagharang sa nakasasamang content ang ginagawa ng kumpanya.
Sa pamamagitan ng #MakeITSafePH campaign na inilunsad noong 2017, nagsasagawa ang Globe ng educational programs at awareness activities para bigyang kaalaman ang mga mamamayan kung paano protektahan ang kanilang sarili online.
Layunin ng Globe na maging responsable ang lahat sa paggamit ng teknolohiyang digital at matiyak na mas ligtas na internet para sa lahat ng Pilipino.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/.