By Nice Celario
HINIMATAY ang mahigit 20 estudiyante sa isang paaralan sa Braulio E. Dujali sa Davao del Norte bunsod ng mainit na panahon.
Ang mga biktima ay pawang Grades 7 at 8 students ng Dujali National High School.
Sa tala ng Municipal Health Office ng Braulio E. Dujali, dinala ang mga biktima sa Regional health unit makaraang makaranas ng heat exhaustion at panic attacks.
Sa record ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, nitong September 8, dakong alas-2 ng hapo ay umabot sa 40 degrees Celsius ang heat index sa lugar .
Ang ganito kataas na temperatura ay maituturing na nasa extreme caution level.
Bilang tugon sa insidente, agad na nagsagawa ng emergency meeting ang lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno upang tugunan ang sitwasyon.
Nitong Lunes, nagsagawa na rin ng inspeksiyon ang mga kinauukulan sa mga paaralan lalo pa’t iniulat na nakararamdam pa rin ang mga estudiyante ng matinding init sa loob ng kanilang mga classroom.
Pinayuhan din ang publiko, partikular na ang mga estudyante na dalasan ang pag-inom ng tubig upang makabawas sa init.