NI DANG SAMSON-GARCIA

NAGTATAKA si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III kung bakit nalilihis na ang imbestigasyon kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Tarlac at natutuon sa isyu ng pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sinabi ni Pimentel na kung may isyu sa citizenship ni Mayor Guo ay mas makabubuting dalhin na ito sa korte upang agad madesisyunan kasabay na rin ng pag-aksiyon ng Ombudsman kung dapat pa itong manatiling alkalde.

“Bakit naging tungkol sa kanya ang hearing, ang hearing kasi tungkol sa POGO. Balik tayo sa POGO at magkaisa tayong lahat na paalisin na iyan, pagbawalan na ‘yang POGO dito sa Pilipinas,” diin ni Pimentel sa panayam ng DWIZ.

Sa ngayon, sinabi ni Pimentel na dapat tutukan ang pagsisiyasat sa isyu sa POGO at dapat nang palayasin sa bansa dahil krimen lamang ang dulot nito.

“POGO tirahin natin. Talaga naman kasi ang POGO nagagamit na tuloy na cover story parang palusot. Nagdadatingan ang mga dayuhan kasi may legitimate POGO tapos kriminal ang pag- iisip, gagawing hindi lehitimo ang kilos niya,” pahayag pa ni Pimentel.

Sinagot din ni Pimentel ang naging pahayag ni Senate President Francis Chiz Escudero na kung pagbabawalan ang POGO ay dapat maging iisa ang polisiya laban sa mga sugal.

Iginiit ni Pimentel na tama naman na magkaroon ng polisiya laban sa mga sugal subalit makabubuti aniyang simulan na ang pagbabawal sa mga POGO na walang buting idinudulot sa bansa.

Ipinaalala ng senador na karamihan sa nagtatrabaho sa mga POGO ay hindi naman mga Pilipino, na isa ring paglabag sa labor laws ng bansa.